1 - Mangagalak kayo sa Panginoon, Oh kayong mga matuwid: pagpuri ay maganda sa ganang matuwid.
2 - Kayo'y mangagpasalamat sa Panginoon na may alpa: magsiawit kayo ng mga pagpuri sa kaniya na may salterio na sangpung kuerdas.
3 - Magsiawit kayo sa kaniya ng bagong awit; magsitugtog kayong matalino na may malaking ingay.
4 - Sapagka't ang salita ng Panginoon ay matuwid; at lahat niyang gawa ay ginawa sa pagtatapat.
5 - Iniibig niya ang katuwiran at kahatulan: ang lupa ay puno ng kagandahang-loob ng Panginoon.
6 - Sa pamamagitan ng salita ng Panginoon ay nayari ang mga langit; at lahat ng natatanaw roon ay sa pamamagitan ng hinga ng kaniyang bibig.
7 - Kaniyang pinipisan ang tubig ng dagat na parang isang bunton: inilalagay niya ang mga kalaliman sa mga kalawakan.
8 - Matakot nawa ang buong lupa sa Panginoon: magsitayo nawang may takot ang lahat ng taga sanglibutan sa kaniya.
9 - Sapagka't siya'y nagsalita, at nangyari; siya'y nagutos, at tumayong matatag.
10 - Dinadala ng Panginoon sa wala ang payo ng mga bansa: kaniyang niwawalang halaga ang mga pagiisip ng mga bayan.
11 - Ang payo ng Panginoon ay nanganayong matibay magpakailan man, ang mga pagiisip ng kaniyang puso sa lahat ng sali't saling lahi.
12 - Mapalad ang bansa na ang Dios ay ang Panginoon; ang bayan na kaniyang pinili sa ganang kaniyang sariling mana.
13 - Ang Panginoon ay tumitingin mula sa langit; kaniyang minamasdan ang lahat na anak ng mga tao;
14 - Mula sa dakong kaniyang tahanan ay tumitingin siya sa lahat na nangananahan sa lupa;
15 - Siyang naghuhugis ng mga puso nilang lahat, na nagmamasid sa lahat nilang mga gawa.
16 - Walang hari na nakaliligtas sa pamamagitan ng karamihan ng hukbo: ang makapangyarihang tao ay hindi naliligtas sa pamamagitan ng malaking kalakasan.
17 - Ang kabayo ay walang kabuluhang bagay sa pagliligtas: ni hindi niya iniligtas ang sinoman sa pamamagitan ng kaniyang malaking kalakasan;
18 - Narito, ang mata ng Panginoon ay nasa kanila na nangatatakot sa kaniya, sa kanila na nagsisiasa sa kaniyang kagandahang-loob;
19 - Upang iligtas ang kaniyang kaluluwa sa kamatayan, at upang ingatan silang buhay sa kagutom.
20 - Hinintay ng aming kaluluwa ang Panginoon: siya'y aming saklolo at aming kalasag.
21 - Sapagka't ang aming puso ay magagalak sa kaniya, sapagka't kami ay nagsitiwala sa kaniyang banal na pangalan.
22 - Sumaamin nawa ang iyong kagandahang-loob, Oh Panginoon, ayon sa aming pagasa sa iyo.